U.S. flag An official website of the United States government

On Oct. 1, 2024, the FDA began implementing a reorganization impacting many parts of the agency. We are in the process of updating FDA.gov content to reflect these changes.

  1. Home
  2. For Consumers
  3. Consumer Updates
  4. Pagkalason sa Asoge (Mercury) na Inuugnay sa mga Produkto sa Balat
  1. Consumer Updates

Pagkalason sa Asoge (Mercury) na Inuugnay sa mga Produkto sa Balat

Image
Asian woman applying skin cream with mercury element in the background.

In English

Anuman ang iyong kutis, mahalagang gumamit ng mga produkto na tutulong sa iyong balat at hindi ito sisirain. Ngunit habang naglalakad ka sa mga aisle ng pampaganda, nagbibigay ng babala ang Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot ng Estados Unidos (U.S. Food and Drug Administration) na dapat mong iwasan ang mga cream sa balat, mga sabon na pampaganda at antiseptiko at mga lotion na naglalaman ng asoge.

Paano mo malalaman kung nasa kosmetiko ang asoge, lalo na ang ibinibenta bilang “anti-aging (pampigil sa pagtanda)” o “skin lightening (pampaputi ng balat)”? Tingnan ang label. Kung nakalista sa label ang mga salitang “mercurous chloride,” “calomel,” “mercuric,” “mercurio,” o “mercury”, mayroon itong asoge — at dapat mong itigil kaagad ang paggamit ng produkto.

Karaniwang ibinibenta ang mga produkto bilang mga pampaputi ng balat at mga anti-aging treatment (paggamot laban sa pagtanda) na nag-aalis ng mga age spot (marka ng pagtanda), pekas, mga blemish at kulubot. Ang mga produktong ito ay maaaring gamitin ng mga nasa hustong gulang bilang paggamot sa malalaking taghiyawat (acne).

Karaniwang ginagawa ang mga produktong ito sa ibang bansa at ibinibenta nang labag sa batas sa Estados Unidos, kadalasan sa mga shop na nagbebenta sa Latino, Asian, African o Middle Eastern na mga komunidad. Pino-promote ang mga ito online sa mga social media site at ibinibenta sa pamamagitan ng mga mobile app. Ang mga ito ay maaari ring binili ng mga mamimili sa ibang bansa at dinala ang mga ito sa U.S. para sa personal na gamit.

Kung hindi nakalista ang mga sangkap at walang label ng prodoukto, huwag ipagpalagay na ayos lang ito. Hinihiling ng pederal na batas na kailangang nakalista ang mga sangkap sa label ng anumang kosmetiko o walang resetang gamot, kaya huwag gumamit ng isang produktong walang label. Bilang karagdagan, huwag gumamit ng mga gamot o kosmetiko na may label na nasa mga wika na iba sa Ingles maliban kung mayroon ding ibinigay na label na nasa Ingles. Isa rin itong palatandaan na maaaring ibinibenta ang produkto nang labag sa batas.

Bagaman madalas na pino-promote ang mga produktong ito bilang mga kosmetiko, ang mga ito ay maaari ring mga bagong gamot na hindi inaprubahan sa ilalim ng bagong batas. Hindi pinahihintulutan ng FDA ang asoge sa mga gamot o sa mga kosmetiko, maliban sa ilalim ng mga talagang partikular na kondisyon kung saan walang ibang ligtas at mabistang mga preservative na magagamit — na mga kondisyon na hindi natutugunan ng mga produktong ito.

Maaaring sumailalim sa aksyon ng nagpapatupad ng batas ang mga nagbebenta at namamahagi na nagbebenta ng pampaputi ng balat o mga cream na pampaputi sa U.S., kasama ang pagsamsam ng mga produkto, mga utos mula sa hukuman, at sa ilang mga sitwasyon, kriminal na pag-uusig.

Mga Panganib ng Asoge

Ang pagkakalantad sa mercury ay maaaring magkaroon ng malubhang kahihinatnan sa kalusugan. Ang panganib ay hindi lamang sa mga taong gumagamit ng mga produktong naglalaman ng mercury kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya. Kapag ginamit mo ang mga produktong ito, maaaring makalanghap ang iyong pamilya ng mga singaw ng mercury o maaaring malantad sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay tulad ng mga washcloth o tuwalya na kontaminado ng mercury.

Ang ilang mga tao — kabilang ang mga buntis, nagpapasuso ng sanggol at mga bata — ay higit na madaling kapitan ng lason ng asoge. Maaaring maging partikular na sensitibo ang mga sanggol sa panganib na maaaring idulot ng asoge sa kanilang nabubuong mga utak at nervous system. Ang mga sumususong bagong panganak ay madaling kapitan nito dahil naipapasa ang asoge sa gatas ng ina.

Mga Palatandaan at Sintomas ng Pagkalason sa Asoge

  • pagkamayamutin
  • pagkamahiyain
  • •mga panginginig
  • mga pagbabago sa paningin o pandinig
  • mga problema sa memorya
  • depresyon
  • pangingimay at pangingilig sa mga kamay, paa o sa paligid ng bibig

Pinagkunan: Ahensiya para sa Pagrerehistro ng Mga Nakakalasong Bagay 

Pagsubaybay sa mga Produkto sa Balat na Naglalaman ng Asoge (Mercury)

Sa nakalipas na ilang taon, natuklasan ng FDA at ng mga opisyal ng estado sa kalusugan ang maraming produktong naglalaman ng asoge, at mayroong mga kaso kung saan ang mga taong nalantad sa mga nasabing produkto ay nagkaroon ng pagkalason sa asoge o mataas na lebel ng asoge sa kanilang mga katawan. Mayroong mahalagang alerto ang FDA na nagpapaalam sa aming mga kawani sa field na mayroong sapat na ebidensiya o iba pang impormasyon ang ahensiya para tanggihan ang pagtanggap ng mga pagdadala ng mga produkto sa balat na naglalaman ng asoge.

Ngunit bahagyang solusyon lang ito.

Karamihan sa mga produktong ito ay dumarating sa bansa sa pamamagitan ng mga labag sa batas na pamamaraan. Kaya napakahalagang malaman ng mga mamimili at nagbebenta ang tungkol sa mga panganib ng posibleng pagkalason sa asoge na nauugnay sa paggamit ng mga produkto sa balat na ito.

Para sa karagdagang impormasyon, pakitingnan ang webpage ng FDA na Mga Produkto sa Balat na Naglalaman ng Mercury at/o Hydroquinone (sa Ingles).

Paano Poprotektahan ang Iyong Sarili

Hugasang mabuti ang iyong mga kamay at iba pang mga bahagi ng katawan na nadikit sa mga produktong naglalaman ng asoge.

Makipag-ugnayan sa iyong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan o sa isang klinika ng medikal na pangangalaga para makakuha ng payo. Kung mayroon kang mga tanong, tawagan ang iyong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan o ang Poison Center sa 1-800-222-1222; bukas ito nang 24 na oras sa isang araw.

Bago itapon ang isang produkto na maaaring naglalaman ng asoge, iselyado ito sa isang plastik na bag o lalagyan na hindi tatagas. Magtanong sa iyong lokal na ahensiya ukol sa kapaligiran, kalusugan o solid waste para sa mga tagubilin sa pagtatapon. Ang ilang mga komunidad ay mayroong espesyal na mga pagkolekta o iba pang mga opsyon para sa pagtatapon ng mapanganib na basura ng sambahayan.

 

   

SUBSCRIBE

Get regular FDA email updates delivered on this topic to your inbox.

Back to Top