Hinihikayat ng FDA ang Publiko na Sundin ang mga Protocol sa Pagsagip sa Nabubulunan: Komunikasyong Pangkaligtasan ng FDA
Petsa ng Paglabas: Abril 22, 2024
Ang U.S. Food and Drug Administration (FDA) (Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot ng U.S.) ay hinihikayat ang publikong sundin ang mga protocol sa pagsagip sa nabubulunan. Ito ay mga gabay na aprubado ng American Red Cross at ng American Heart Association upang matanggal ang bara sa lagusan ng hangin ng mga biktima.
- Protocol sa pagsagip sa mga nasa hustong gulang
- Protocol sa pagsagip sa mga bata
- Protocol sa pagsagip sa mga sanggol
Kasama sa mga protocol na ito ang pagtulak sa tiyan (o tinatawag ding maneobrang “Heimlich”) para sa mga bata at nasa hustong gulang. Hindi kasama rito ang mga anti-choking device. Hindi pa napapatunayan ng FDA kung ligtas o epektibo and mga over-the-counter na mga anti-choking device; hindi aprubado o nasiyasat ng FDA ang mga ito. Dapat malaman ng mga mamimili na mas mapapatagal ang aksyon kapag gumamit ng mga anti-choking device, dahil kailangan pa itong tanggalin sa lagayan, buuin, at sundan ang mga instruksyon, maaari nitong pabagalin pagsunod sa protocol ng pagsagip.
Mga Rekomendasyon para sa mga Mamimili, Pasyente at Tagapag-alaga
- Palaging sundin ang mga protocol sa pagsagip sa mga nabubulunan na aprubado ng American Red Cross at ng American Heart Association bago gumawa ng ibang pamamaraan, dahil mas mabisa ang mga protocol na ito at magagawa nang walang ibang device kaya mas makakatipid sa oras.
- Ang mga protocol sa pagsagip sa nabubulunan ay dapat lamang gawin kapag barado ang buong lagusan ng hangin o hindi maka-ubo ang biktima, dahil ang mga pamamaraang ito (tulad ng paghampas sa likod) ay maaaring maging dahilan upang mabara nang tuluyan ang bahaging bahagya lamang na nabara (madalas ay kaya ng mga biktimang tanggalin ang bara kung bahagya lamang).
- Kung pipiliin mong gumamit ng isang anti-choking device, gamitin lamang ito kapag hindi gumana ang itinakdang mga protocol sa pagsagip sa nabubulunan. Hindi pa napapatunayan kung ligtas o epektibo ang mga over-the counter na anti-choking device.
Mga Rekomendasyon para sa Mga Tagapagbigay ng Pangangalaga sa Kalusugan
- Turuan ang inyong mga pasyente kung paano sundin ang itinakdang mga protocol sa pagsagip sa mga nabubulunan.
- Kausapin ang inyong mga pasyente tungkol sa mga posibleng panganib ng paggamit ng hindi awtorisadong mga anti-choking device.
- Kausapin ang inyong mga pasyente tungkol sa mga pwede nilang gawin para iwasan ang mabulunan.
Mga Maaaring Maging Problema sa mga Anti-Choking Device
Nalalaman ng FDA na ang mga anti-choking device ay maaaring nasa bahay na ng mga mamimili. Ang aming mga rekomendasyon ay naglalayong iwasang patagalin ang paggamit ng mga nakalistang protocol sa itaas kung gagamitin man ng mga tao ang mga device na ito.
Walang nalalaman ang FDA ukol sa mga posibleng kapahamakang dulot ng paggamit sa mga device na ito, at wala pang pagkamatay ang naiugnay sa paggamit sa mga anti-choking device. Batid ng FDA ang mga ulat ng mga problema sa paggamit ng mga anti-choking device, tulad ng mga pasa sa mukha, labi, at bibig, at mga gasgas sa likod ng lalamunan.
Mas mataas ang tsansa ng pagsagip kung susundin ang mga itinakdang protocol tulad ng sa American Red Cross at American Heart Association. Madalas na kailangan pang tanggalin sa lagayan at buuin ang mga anti-choking device at maaaring mapabagal nito ang pagsunod sa itinakdang protocol sa pagsagip sa nabubulunan.
Mga Aksyon ng FDA
Nakikipagtulungan ang FDA sa mga manggagawa ng mga produktong anti-choking upang masigurong sumusunod ito sa mga panuntunan ng FDA. Ang FDA ay patuloy na magpapabatid sa publiko kung may makabuluhang bagong impormasyon na lalabas.
Pagre-report ng Mga Problema sa Iyong Device
Kung sa tingin mo ay nagkaroon ka ng problema sa iyong anti-choking device, hinihikayat ka ng FDA na i-report ang problema sa pamamagitan ng MedWatch Voluntary Reporting Form.
Ang mga tauhan ng pangangalagang pangkalusugan na nagtatrabaho sa mga pasilidad na napapailalim sa mga kinakailangan sa pagre-report ng pasilidad ng gumagamit ng FDA ay dapat sumunod sa mga pamamaraan ng pagre-report na itinatag ng kanilang mga pasilidad.
Mga Tanong?
Kung mayroon kang mga tanong, mag-email sa Division of Industry and Consumer Education (DICE) sa DICE@FDA.HHS.GOV o tumawag sa 800-638-2041 o 301-796-7100.