Mag-ingat sa mga Pekeng Test, Bakuna at Paggamot para sa Coronavirus
Habang nananatili tayong mapagbantay upang maprotektahan ang ating mga pamilya at komunidad mula sa pagkalat ng COVID-19, maaaring matukso ang ilan sa pagbili o paggamit ng mga kwestyonableng produktong nagsasabing makakatulong sa pag-diagnose, paggamot, pagbibigay ng lunas at maging pag-iwas sa sakit na coronavirus.
Sinusubukan ng ilang indibidwal at kumpanyang kumita sa sakit na ito sa pamamagitan ng pagbebenta ng hindi pa napapatunayan at hindi legal na na-market na produkto sa pamamagitan ng paggawa ng mga mapanlokong pahayag. Hindi tulad ng mga produktong inaprubahan o inawtorisahan ng U.S. Food and Drug Administration (Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot ng U.S.), ang mga pekeng produktong sinasabing nagda-diagnose, nagbibigay ng lunas, gumagamot, o nagpapaiwas sa COVID-19 ay hindi pa nasusuri ng ahensya para sa kaligtasan at bisa at maaaring maging mapanganib sa iyo at sa iyong pamilya.
Partikular na nangangamba ang FDA na ang mga mapanloko at mapanlinlang na produktong ito ay maaaring maging sanhi ng pagpapaantala, paglaktaw o pagtigil ng mga tao sa naaangkop na medikal na paggamot para sa COVID-19, na mauuwi sa kapahamakang malubha at banta sa buhay. Malamang na hindi ginagawa ng mga produktong ito ang kung ano ang sinasabi tungkol dito, at ang mga sangkap nito ay maaaring magdulot ng masasamang epekto (masasamang reaksyon) at maaaring magkaroon ng interaksyon at posibleng gambalain ang mga gamot para sa mga nararanasan nang medikal na kondisyon.
Para sa karagdagang impormasyon at sanggunian, bisitahin ang covid.gov.
Mga Bakuna at Paggamot para sa COVID-19
Ang pagbabakuna ang isa sa pinakamahuhusay na paraan upang maprotektahan ang bawat isa mula sa COVID-19. Inaprubahan at inawtorisahan ng FDA ang mga bakuna para makaiwas sa COVID-19. Para sa pinakabagong impormasyon tungkol sa mga bakuna para sa COVID-19, bisitahin ang webpage ng FDA. Maghanap ng bakuna at booster para sa COVID‑19 na malapit sa iyo sa vaccines.gov.
Patuloy na nakikipagtulungan ang FDA sa mga tagamanupaktura, tagabuo at mananaliksik sa bakuna at gamot upang matulungang mapabuti ang pagbuo at pagkakaroon ng mga medikal na produkto – tulad ng mga karagdagang bakuna, antibodies at gamot – upang maiwasan o magamot ang COVID-19.
Inaprubahan at inawtorisahan ng FDA ang mga paggamot para sa COVID-19 na makukuha sa pamamagitan ng iyong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, parmasya at klinikang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga sintomas ng COVID-19 at nasuriang positibo, huwag nang maghintay pa para magamot. Ang Treatment Locator ay makakatulong sa iyong maghanap ng lokasyong naghahandog ng testing at paggamot o parmasya kung saan maaari kang magpapuno ng inireresetang gamot.
Makakatulong ang mga konsumidor at propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pag-uulat ng pinaghihinalaang panloloko sa FDA’s Health Fraud Program o sa Office of Criminal Investigations.
Mapanganib ang Pag-inom ng Gamot na Para sa mga Hayop
Bukod dito, pinaaalalahanan ng FDA ang mga tao na mapanganib ang pag-inom ng mga gamot na para sa mga hayop.
Hindi dapat gamitin ng mga tao ang mga produktong mina-market para sa paggamit na pambeterinaryo na hindi pa nasusuri ng FDA para sa kaligtasan ng tao o kaya ay hindi para makonsumo ng tao. Maaaring magkaroon ng masasamang epekto ang mga produktong iyon, kabilang ang malubhang sakit at kamatayan, kapag iniinom ng mga tao.
Nakatanggap ang FDA ng mga ulat ng mga taong nangailangan ng medikal na atensyon, kabilang ang pagkakaospital, pagkatapos gamutin ang sarili ng ivermectin na inilalayon para gamutin ang mga partikular na impeksyong parasitiko sa mga alagang hayop. Hindi inawtorisahan o inaprubahan ng FDA ang ivermectin para magamit sa pag-iwas o paggamot ng COVID-19 sa mga tao o hayop. Alam din ng FDA ang mga taong sinusubukang iwasan ang COVID-19 sa pamamagitan ng pag-inom ng chloroquine phosphate, na ibinebenta upang gamutin ang mga parasitiko sa mga isda sa aquarium.
Paano Mapoprotektahan ang Iyong Sarili at ang Iyong Pamilya sa Pagloloko sa COVID-19
Pinapayuhan ng FDA ang mga konsumidor na maging maingat sa mga website at tindahan na nagbebenta ng mga produkto na nagsasabing ito ay makakapagpaiwas, gagamot o magbibigay ng lunas sa COVID-19.
Ang mga pekeng produkto para sa COVID-19 ay mula sa maraming uri, kabilang ang dapat sana ay mga supplement sa pagkain at iba pang mga pagkain, pati na rin ang mga produktong sinasabing mga test, gamot, medikal na aparato o gamot. Nakikipagtulungan ang FDA sa mga kumpanya upang alisin ang daan-daang mapanlinlang na produkto sa mga tindahan at online. Patuloy na susubaybayan ng ahensya ang social media at online na marketplace na nagtataguyod at nagbebenta ng mga pekeng produkto para sa COVID-19.
Narito ang ilang tip upang matukoy ang mga hindi totoo o mapanlinlang na pahayag:
- Maging mapanghinala sa mga produktong sinasabing gagamot sa iba’t ibang sakit.
- Ang mga personal na testimonya ay hindi pamalit sa siyentipikong ebidensya.
- Ang ilang gamot o kondisyon ay maaaring magamot agad, kaya maging mapaghinala sa anumang therapy na sinasabing “mabilis na lunas.”
- Kung mukhang hindi kapani-paniwala, malamang na hindi nga iyon kapani-paniwala.
- Ang “mga milagrong lunas” na nagsasabi ng mga siyentipikong tagumpay o naglalaman ng sikretong sangkap, ay malamang na huwad.
Aktibong sinusubaybayan ng FDA ang anumang mga kumpanyang nagma-market ng mga produktong may mga mapanlokong pahayag sa pag-diagnose, pag-iwas at paggamot ng COVID-19. Dinagdagan din namin ang aming pagpapatupad sa mga daungan na pasukan upang matiyak na hindi makakapasok ang mga pekeng produkto sa bansa sa pamamagitan ng ating mga hangganan.
Bukod dito, sinusubaybayan ng FDA ang mga reklamo sa mga pinaghihinalaang pekeng paggamot, bakuna at test sa coronavirus. Makakatulong ang mga konsumidor at propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pag-uulat ng pinaghihinalaang panloloko sa FDA’s Health Fraud Program o sa Office of Criminal Investigations.
Kung mayroon kang mga sintomas ng COVID-19, sundin ang mga patnubay ng Centers for Disease Control and Prevention, at kausapin ang iyong medikal na propesyonal. Kung mayroon kang tanong tungkol sa paggamot o test na natagpuan online, kausapin ang iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang tanong tungkol sa gamot, tawagan ang iyong parmasyutiko o FDA. Sasagutin ng Division of Drug Information (DDI) ng FDA ang karamihan sa mga tanong tungkol sa gamot. Maaaring makipag-ugnayan sa mga parmasyutiko ng DDI sa pamamagitan ng email, druginfo@fda.hhs.gov, at sa pamamagitan ng telepono, 1-855-543-DRUG (3784) at 301-796-3400.
Ang pagbebenta ng mga pekeng produkto para sa COVID-19 ay banta sa pampublikong kalusugan. Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang COVID-19 ay magpabakuna. Kung nag-aalala ka tungkol sa COVID-19, kausapin ang iyong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan at sundin ang payo ng mga pederal na katuwang ng FDA tungkol sa pag-iwas sa pagkalat ng sakit na ito.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa panloloko sa kalusugan at upang mag-ulat ng mga pinaghihinalaang produkto, bisitahin ang webpage ng FDA na ito.